Gabay sa Pag-aaral ng Rebolusyonaryong Gabay sa Reporma sa Lupa


"...hindi dapat magkampante at dapat pag-aralang mabuti at sapulin ang katangian at nilalaman ng ating programa sa reporma sa lupa – anu-ano ang mga rebolusyonaryong prinsipyong gumagabay dito. Mahalaga ring masapol ang rebolusyonaryong programa sa reporma sa lupa upang mahusay na maipaliwanag sa masa at maipatupad nang hakbang-hakbang sa kanayunan kaakibat ng armadong pakikibaka at pagtatayo ng baseng masa."

[Download DOC Pilipino]

Inihanda ng Pambansang Kawanihan sa Edukasyon

KABANATA I
ANG PANGUNAHING NILALAMAN  NG DEMOKRATIKONG REBOLUSYONG BAYAN

Ang pangunahing nilalaman ng demokratikong rebolusyong bayan ay ang pagkakamit sa hangarin ng mga magsasaka na magkaroon ng lupa at ang pagpawi sa iba’t ibang anyo ng pagsasamantalang pyudal at malapyudal.

Kaya, prinsipal na tungkulin ng demokratikong gubyernong bayan   ang pagpapatupad ng komprehensibong programa sa reporma sa lupa.

KABANATA II
ANG PROGRAMA PARA SA REPORMA SA LUPA

1. Ano ang minimum at maksimum na layunin sa programa para sa reporma sa lupa?

Minimum na layunin ng programang ito   ang ibaba nang husto ang upa sa lupa at pawiin ang usura; at maksimum na layunin ang isabansa ang lupain ng mga panginoong maylupa at libreng ipamahagi ang mga ito sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa. Palagiang layunin din ng programang ito na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawang bukid sa mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista.

2. Kailan at paano ipatutupad ang maksimum na programa?

a. Sa pagtatagumpay ng demokratikong rebolusyong bayan sa buong bayan  kumpiskahin ang lupain ng mga panginoong maylupa, isabansa ang mga ito, at ipamahagi nang libre sa mga nagbubungkal na walang lupa o walang sapat na lupa.

b. Habang hindi pa nagtatagumpay sa buong bayan ang demokratikong rebolusyong bayan:

- ang pagkumpiska ng lupain ay ipapataw lamang sa mga piling despotikong panginoong maylupa na may mabigat na krimen laban sa masang magsasaka at rebolusyonaryong kilusan;
- ang mga lupaing kinumpiska,   ang mga lupaing pinagtrosohan at iba pa na nakatiwangwang at abandonado o di kaya’y napasakamay ng rebolusyonaryong kilusan sa iba’t ibang dahilan, ay ipabubungkal nang walang bayad sa mga magsasakang wala o kulang ng lupa.

k. Ang Komite ng Partido sa mga rehiyon ang may awtoridad na magpasya sa pagkumpiska ng lupain ng mga panginoong maylupa na may mabigat na kontrarebolusyonaryong krimen at sa pamamahagi ng mga lupaing nasa disposisyon ng rebolusyonaryong kilusan. Susubaybayan at rerepasuhin ng Komite Sentral ng Partido ang mga desisyon sa pagkumpiska at pamamahagi ng mga nasabing lupain.

KABANATA III
PAGBABABA SA UPA AT PAGPAWI SA USURA

1. Paano ipatutupad ang pagbababa sa upa at pagpawi sa usura?

a. Ibababa ang upa sa lupa ng 50 porsyento   mula sa dinatnang umiiral na upa sa lupa bilang panimulang hakbang. Pwedeng pera o produkto ang ibayad na upa sa lupa.

b. Patuloy pang ibaba nang hakbang-hakbang ang upa sa lupa hanggang sa 10 porsyento   o mas mababa pa ng netong ani habang lumalawak at lumalakas ang Partido Komunista ng Pilipinas, ang Bagong Hukbong Bayan, ang demokratikong gubyernong bayan, mga samahang magsasaka at ibang organisasyong masa, milisyang bayan at mga lokal na gerilya sa lugar.

Para makuha ang netong ani, babawasin sa kabuuang ani ang lahat ng ginastos ng kasama sa pagsasaka -  pag-aararo, pagsusuyod, pag-arkila o pagmamantini at depresasyon (o pagbaba ng halaga) ng mga hayop at kagamitang pansaka, patubig, pagpupunla, binhi, pagtatanim, paggamas, abono, pestisidyo, pag-aani, paghahakot, paggiik at pagpapakiskis. Kukwentahin ang gastos ayon sa mga istandard na presyong itinakda ng mga samahan ng magsasaka, at ayon din sa kasalukuyang mga presyo.

k.    Ang usura ay lubusang papawiin sa apat na paraan:

k.1. Hihimuking mag-impok ang masang magsasaka;

k.2. Pakikilusin ang samahan ng magsasaka bilang kooperatiba para maparami ang naiimpok at iba pang kinikita;

k.3. Ibababa ang interes sa pautang ng 50 porsyento  mula sa dinatnang interes sa pautang bilang panimulang hakbang. Patuloy na pabababain ito hanggang sa antas na mataas lamang nang kaunti sa pinaiiral sa mga bangko; at

k.4. Buburahin ang lahat ng di makatwirang pautang at muling kukwentahin ang mga lumang utang hanggang sa limang taon ang nagdaan, alinsunod sa interes na itinakda (mas mataas nang kaunti sa interes na pinaiiral sa mga bangko) at base sa pagsang-ayon ng pangkalahatang pulong ng samahan ng magsasaka pamilya ng mga kasama

d. Uusisain ng samahan ng magsasaka ang bawat kasunduan sa pautang na pinasukan ng panginoong maylupa at ng kasama, at hindi hahayaan ang sinumang panginoong maylupa na obligahin ang kasama na umutang sa kanya o sa simumang kilalang usurero, laluna kung ang sinisingil na interes ay higit sa interes na ipinapahintulot ng samahang magsasaka.

e. Ibababa ang paarkila sa hayop at kagamitang pansaka na parehong pag-aari ng panginoong maylupa, batay sa disiyon ng samahan ng magsasaka pagkatapos ng masusing konsiderasyon. Hihikayatin ang mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka na ibaba rin ang paarkila sa kanilang mga hayop at kagamitang pansaka.

g. Ang sinumang panginoong maylupa, administrador o katiwala ay hindi hahayaang humingi ng anumang klase ng buwis sa pamilya ng mga kasama, sa porma man ng pagtatrabaho, pagpapaalila, pera o anumang produkto.

2. Ano ang mga konsiderasyon sa pagbabayad ng upa sa upa kapag nagkaroon ng kalamidad:

a.  Kapag ang nasira’y hindi liliit sa 20 porsyento   ng ani, ng kasamá ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa sa panginoong maylupa;

b. Kung di liliit sa 50 porsyento   ang nasira sa ani, ang kasama ay hindi magbabayad ng anumang upa sa lupa para sa kasalukuyang ani at pati sa susunod na ani.

k. Ang bayad sa mga naging utang dahil sa pagkasira ng ani ay makatarungang didisisyunan ng samahan ng magsasaka ayon sa kongkretong kalagayan. Pwedeng burahin ng samahan ng magsasaka ang mga utang hanggang sa halagang katumbas ng laki ng nasira, laluna kung ang nagpautang ay mga panginoong maylupa at iba pang pribadong nagpapautang.

3. Paano kung binitiwan ng kasama ang karapatan niyang bungkalin ang lupa?

Pagpasyahan ng samahan ng magsasaka   kung kanino dapat mapunta ang pwesto.  Ang karapatan sa pwesto ay ibibigay sa malapit na kamag-anak ng dating kasama o sa sinumang manggagawang bukid o maralitang magsasaka.

4. Pwede pa bang gamitin ang simpleng paraang di ipinapaalam sa panginoong maylupa ang tunay na ani para ibaba nang husto ang upa sa lupa? Ano ang patakaran kaugnay dito?

Pwedeng gamitin ito  sa mga lugar na hindi pa laganap na ipinapatupad ang minimum na layunin ng programa para sa reporma sa lupa. Sa ganitong kaso, ang kalahati ng upa sa lupa na hindi ibinigay sa panginoong maylupa ay ibibigay sa demokratikong gubyernong bayan sa pamamagitan ng mga samahan ng magsasaka o ng Bagong Hukbong Bayan, at ang natitira ay mapupunta sa mga kasama.

5. Ano ang patakaran kaugnay sa pagtigil sa pagbibigay ng upa sa lupa sa mga panginoong maylupa?

Kapag malapit nang kumpiskahin at libreng ipamahagi ang mga ari-arian ng panginoong maylupa, sabay-sabay na ititigil ng mga kasama ang pagbibigay ng upa sa lupa sa mga panginoong maylupa. Ang kalahati ng upa sa lupa na hindi ibinigay sa panginoong maylupa ay   ibibigay sa demokratikong gubyernong bayan sa pamamagitan ng mga samahan ng magsasaka o Bagong Hukbong Bayan, at ang natitira ay mapupunta sa mga kasama. Ang ganitong hatian ay mananatili hanggang maipatupad sa baryo ang libreng pamamahagi ng lupa.

6. Ano ang patakaran kaugnay sa mga  panginoong maylupa na gumagamit ng dahas o anupamang kontra-rebolusyonaryong aksyon para kontrahin at isabotahe ang kampanyang ibaba ang upa sa lupa at pawiin ang usura?

Parurusahan sila ayon  sa bigat ng krimen;  gayundin, kukumpiskahin ang kanyang lupa at buburahin ang kanyang mga pautang nang walang anumang ibabayad pa sa kanya. Gayunman, ang ibang myembro ng kanyang pamilya ay bibigyan ng pagkakataong magkaroon ng ikabubuhay, kabilang ang pagbubungkal ng lupa, sa kundisyong susunod sila sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.

7. Paano itaas ang produksyon  ng masang magsasaka?

Sa pamamagitan ng pagtutulungan o kooperasyon at mutwal na palitan ng lakas-paggawa at pagsasagawa ng mga proyektong pangkabuhayan at pagpapaunlad ng mga serbisyong agrikultural na magbebenepisyo ang masang magsasaka.

8. Ano ang mga paraan para mapapadali ang kasalukuyan at panghinaharap na gawain ng samahan ng magsasaka at mga komite nito para sa reporma sa lupa?

Magdadaos sila ng mga pulong masa tungkol sa reporma sa lupa  at patuloy nilang pag-aaralan at didiskusyunin at   pagkakasunduan kung paano ipapamahagi ang mga lupang kukumpiskahin sa mga panginoong maylupa.

KABANATA IV
LIBRENG PAMAMAHAGI NG LUPA

1. Sinu-sino ang makikinabang sa  libreng   pamamahagi ng  kukumpiskahin at isasabansang lupain ng mga panginoong maylupa ?

a. May prayoridad sa disposisyon ng lupang binubungkal na nila  ang mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka;  pero kailangang sumang-ayon sila sa ilang pag-aayos na dapat gawin para masigurado na may sapat na lupang binubungkal ang bawat pamilya at nang sa gayo’y maitaguyod ang kapakanan ng lahat.

b. Ang mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre’t Pulang mandirigma ay may prayoridad sa partihan ng lupang ipinapamahagi nang libre. Kung wala silang sapat na lakas-paggawa, titiyakin ng demokratikong gubyernong bayan na ibibigay sa kanila ng lokal na samahan ng magsasaka ang lahat ng tulong na kailangan para mabungkal ang kanilang lupa.

k. Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka ay papartihan sa lupang ipinapamahagi nang libre para mapataas din naman ang antas ng kanilang pamumuhay, sa kundisyong hindi sila magiging nakakataas-na-panggitnang magsasaka o mayamang magsasaka dahil sa makukuha nilang kaparte.

d. Papartihan sa lupang ipinapamahagi nang libre ang mga manggagawa, tagayari ng handikrap, maglalako, at iba pang maralitang di magsasaka na handang magbungkal ng lupa. Kung patuloy silang maghahanapbuhay bukod sa pagbubungkal ng lupa, gagawa ng angkop na pag-aareglo sa kanilang parte sa lupa.

e. Ang mga taong maayos ang katayuan na umalis sa sarili nilang baryo sa ano’t anumang rason ay bibigyan ng lupang mabubungkal pagbalik nila, kung magsasabing handa sila magbungkal ng lupa.

g. Ang nag-alsa o tumakas na mga sundalo’t upisyal ng kaaway ay patatawarin sa mga aksyong ginawa nila bilang pagsunod sa utos ng kanilang mga superyor, at kung gayo’y papayagang makinabang sa reporma sa lupa.

2. Ano ang prinsipyong gabay sa libreng pamamahagi ng lupa?

Ipapamahagi ang lupa ayon sa prinsipyo ng pagpapantay-pantay ng lupang sinasaka at pagtulong sa mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka na maging gitnang-panggitnang magsasaka. Bibigyan ng sapat na konsiderasyon ang sumusunod:

a. ang kabuuang laki ng lupang pwedeng ipamahagi sa lugar;
b. ang laki at lakas-paggawa ng bawat pamilya o bawat bubong (household) na tatanggap ng lupa; at
k. ang kalidad, lokasyon, at sukat ng lupa.

3. Ano ang patakaran sa iba pang kagamitan sa produksyong kinumpiska sa mga  panginoong maylupa?

a. Ang mga hayop na pantrabaho, kagamitang pansaka, at iba pang ari-ariang kinumpiska sa mga panginoong maylupa ay ipapamahagi nang libre batay sa pagpapantay-pantay ng ari-arian, o kaya’y ipapamahala sa samahan ng magsasaka para pakinabangan ng lahat.

b. Ang mga prutasan, palaisdaan at iba pang pag-aari ng panginoong maylupa na mababawasan ang pagiging produktibo kung hahatiin ay ipapamahala sa mga kooperatiba o sa demokratikong gubyernong bayan para pakinabangan ng lahat. Ang mga bahay, gusali, at iba pang istrukturang kinumpiska ay gagamitin ng demokratikong gubyernong bayan sa kaukulang paraan.

k. Depende sa kongkretong kundisyon, isa hanggang sampung porsyento (1%-10%) ng lupang kinumpiska sa mga panginoong maylupa ay ilalaan para gamitin ng publiko; para gawing loteng pamproduksyon ng Bagong Hukbong Bayan, mga samahan ng magsasaka, at iba pang organisasyong masa; para gawing bukirin na pang-eksperimento, at para rin magsilbing reserba sa pag-aayos na gagawin sa hinaharap kaugnay ng lupang ipinamamahagi.

4. Kaninong mga kasangkapan sa produksyon ang  hindi ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa at hindi kukumpiskahin?

a. Hindi kukumpiskahin ang sobrang lupa at iba pang kasangkapan sa produksyon na ari ng mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Gayunman, hihikayatin sila na itaas pa ang sahod ng mga manggagawang bukid na inuupahan nila, o ibaba ang upang ibinabayad sa kanila ng mga kasama, ayon sa mga istandard na itinakda ng samahan ng magsasaka. Ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa, at kukumpiskahin, ang lupa ng panginoong maylupa na inuupahan ng mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Sa libreng pamamahagi ng lupa, tatanggap ng karampatang parte ang mga mayamang magsasaka at nakakataas-na-panggitnang magsasaka.

b. Ang lupa ng mga rebolusyonaryong martir, kadre, Pulang mandirigma, titser, propesyunal at manggagawa - na hindi lumalampas sa takdang sukat ng lupang pwedeng ariin ng mga mayamang magsasaka - ay hindi ituturing na pag-aari ng panginoong maylupa at hindi kukumpiskahin, sa kundisyong ang lupa ay bubungkalin ng mga kamag-anak ng may-ari, at sa kundisyon ding sang-ayon ang masa sa lokalidad.

k. Ang mga bahay, empresang pang-industriya’t pangkomersyo, talyer ng mga artesano, iskwelahan, gusaling panrelihiyon, plasa, palaruang publiko, at iba pang tulad ng mga ito ay papayagang manatili sa lupang sapat ang laki para sa pangangailangan. Bago pa man ipamahagi nang libre ang lupa, sisiguraduhin na ang loteng kinatatayuan ng bahay ng mga kasamá ay magiging kanila nang walang anumang ibabayad sa panginoong maylupa.

5. Ano ang patakaran hinggil sa mga naliliwanagang panginoong maylupa  o hindi gumawa ng malubhang krimen laban sa mamamayan?

a. Hindi parurusahan o hihiyain ang mga naliliwanagang panginoong maylupa na sumusuporta sa demokratikong gubyernong bayan at sumasang-ayon sa programa para sa reporma sa lupa, at papayagan ang bawat isa sa kanila na magmay-ari ng sariling bahay, personal na pasilidad, at negosyo sa industriya o komersyo, o kapirasong lupang halos kasinlaki ng lupang pag-aari ng isang mayamang magsasaka, sa kundisyong sila mismo ang magbubungkal ng lupa.

b. Ang mga panginoong maylupa na hindi gumawa ng malubhang krimen laban sa mamamayan ay papartihan ng lupa na ang laki at kalidad ay kapareho ng sa lupang ibibigay sa mga maralitang magsasaka at nakakababang-panggitnang magsasaka, sa kundisyong handa silang magbungkal ng lupa at magbago ng pananaw sa pamamagitan ng sarili nilang paggawa.

6. Ano ang patakaran kaugnay sa mga  panginoong maylupa na gumagamit ng dahas o anupamang kontra-rebolusyonaryong aksyon para kontrahin at isabotahe ang kampanyang ipamahagi nang libre ang lupa?

Parurusahan sila ayon sa bigat ng krimen. Gayunman, ang ibang myembro ng kanyang pamilya ay bibigyan ng pagkakataong magkaroon ng ikabubuhay, kabilang ang karapatang magmay-ari at magbungkal ng isang parsela ng lupa, sa kundisyong susunod sila sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan.

KABANATA V
ANG SAMAHAN NG MAGSASAKA BILANG KOOPERATIBA

1. Ano ang magsilbing kooperatiba pangunahin ng mga maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka at manggagawang bukid?

Ang samahan ng magsasaka sa antas ng baryo pataas ay magsisilbing kooperatiba, pangunahin ng mga maralitang magsasaka, panggitnang magsasaka at manggagawang bukid, pwera kung may partikular na pangangailangang magkaroon ng kooperatiba na iba pa sa samahan ng magsasaka.

2. Ano ang mga tungkulin ng samahan ng magsasaka para maitaguyod ang kapakanan ng  mga myembro, mapataas ang produksyon, mabawasan ang ilang gastos sa produksyon, at mapawi ang pangangailangang umutang sa mga usurero?

a. Laging ibubunsod at isasagawa ng samahan ng magsasaka ang mga panimulang porma ng kooperasyon sa hanay ng mga myembro, tulad ng pagtutulungan at palitan ng paggawa.

b. Titiyakin ng samahan ng magsasaka na ang produkto ng mga myembro nito ay maibebenta sa pinakamagandang presyo, at lalabanan ng samahan ang pagsasamantalang ginagawa ng mga komersyante.

Ang mga komersyante ay makatarungang pakikitunguhan ng samahan ng magsasaka, at papayagan silang kumita ng makatwirang ganansya.

k. Bumili ng modernong mga kasangkapan tulad ng bomba sa patubig, traktora, at tilyadora’t makinang pangkiskis; pero bago bumili ng anuman ang samahan, igigiit nito sa mga may-ari ng mga kasangkapang kasalukuyan nang ginagamit na gawing mas mahusay at mas mura ang serbisyo.

d. Ayon sa kongkretong kundisyon, didisisyunan   kung paano babawiin ang mga gastos, pananatilihing sapat ang pinansya, at gaganansya nang katamtaman sa mga ipinuhunan.

e. Batay sa prinsipyo ng kooperatiba, itatayo  ang mga dagdag na hanapbuhay tulad ng pagtatanim ng prutas at gulay, pagmamanukan, pagbababuyan, pag-aalaga ng baka, pagtatabla, pagkakarpintero, pangangahoy, pangingisda, pagpapalaisdaan, paggawa ng mga produkto mula sa isda, paggawa ng handikrap, pananahi, pagpapanday, transportasyon (traysikel, dyip at bangkang de-motor), pagkukumpuni ng makina sa talyer, at iba pa.

g. Bilang kooperatiba, lilinawin ng samahan ng magsasaka kung ilang sapi ang katumbas ng butil o pera na ikinontribusyon ng mga myembro ng samahan.

3.  Ano ang patakaran kaugnay sa sapi ng mga myembro ng samahan?

a. Sinumang myembro ng samahan ay pwedeng bumili ng kahit ilang sapi pagkaraang mabili niya ang takdang bilang ng sapi. Pero gaano man karami ang sapi ng sinumang myembro sa kooperatiba, susundin ang patakarang “isang myembro, isang boto”. Ang mga hindi kwalipikadong maging myembro ng samahan ay papayagang magpahiram lamang ng kapital sa kooperatiba.

b.    Ang mga sapi ay gagamitin para sa alinman sa sumusunod na layunin:

b.1. para bumili ng mga hayop na pantrabaho, kagamitang pansaka, kasangkapan at pasilidad na hindi kayang bilhin ng iisang tao o pamilya;

b.2. para magtayo ng tindahan na mamamakyaw ng mga batayang kalakal pati binhi, abono at pestisidyo, na ititingi naman sa mga mamamayan ng lokalidad sa presyong mas mababa kaysa sa presyo ng nasabing mga kalakal kung bibilhin sa iba;

b.3. para magpaunlad ng mga dagdag na hanapbuhay;

b.4. para mag-ipon ng gamot sa mga karaniwang sakit, at para rin magkaroon ng sapat na serbisyong medikal at dental;

b.5. para suportahan ang mga aktibidad sa edukasyon at kultura, at mga proyekto’t pasilidad sa paglilibang;

b.6. para pahusayin ang mga pasilidad sa transportasyon at komunikasyon;

b.7. para bayaran ang mga gastos sa pagpapalibing.

k. Minsan sa tatlong buwan, kukwentahin ng samahan ang halaga at ganansya ng sapi.

4. Ano ang patakaran kaugnay sa pagpapautang ng samahan ng magsasaka sa mga myembro?

Hindi ito sisingil ng interes na mas mataas kaysa sa itinakda ng samahan na interes sa pautang; at bilang kolateral ay tatanggapin ng samahan ang lupa, ang susunod na ani, mga hayop na pansaka, kagamitan o anumang kapaki-pakinabang na personal na ari-arian katumbas ng halaga ng ipinautang. Magpapautang lamang kung ang uutangin ay para sa produksyon o iba pang mahalagang paggagamitan. May karapatan ang samahan ng magsasaka na imbistigahin anumang oras ang aktwal na pinaggagamitan ng pautang.

5. Paano maabot ang mas mataas na antas ng kooperasyon?

a.  Kukuha ng lupa para gamitin ng kooperatiba, at magkakaroon ng sariling parte kapag ipinapamahagi na nang libre ang lupa. Ang mga lupa ng kooperatiba ay magsisilbing basihan para maabot ang mas matataas na antas ng kooperasyon. Ang kita roon ay gagamitin para bilhin ang sobrang lupa ng mga mayamang magsasaka at iba pang pinapayagang magmay-ari ng sobrang lupa, at para bilhin din ang dating pag-aaring lupa ng mga benepisyaryo ng reporma sa lupa na sa ano't anumang rason ay gustong ibenta ang kanilang lupa.

b. Ang samahan ng magsasaka ng ilan mang baryo, bayan, distrito o probinsya ay pwedeng magtulung-tulong sa mga proyektong pangkooperatiba, at ang mga ito ay pangangasiwaan ng isang komite at kailangan munang sang-ayunan ng kinauukulang antas ng demokratikong gubyernong bayan

6. Ano ang patakaran sa pagbubungkal ng lupa ng kooperatiba?

Ang mga myembro ng samahan ng magsasaka ay magkakaroon ng magkakapantay na bahagi sa trabaho at sa kikitain. Gayunman, ang samahan  ay gagawa ng isang sistema ng puntos sa trabaho para mabigyan ng kaukulang halaga ang aktwal na mga pagkakaiba sa kantidad at kalidad ng trinabaho ng mga myembro. Sa sistemang ito ibabatay ang bayad sa mga myembro.

7. Ano ang tungkulin ng  mga myembro ng samahan ng magsasaka kaugnay sa  mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre’t Pulang mandirigma?

Ang mga myembro ng samahan ng magsasaka ay sama-samang tutulong sa mga dependyente ng mga rebolusyonaryong martir, kadre’t Pulang mandirigma na magbungkal ng kanilang lupa o makakuha ng ibang pagkakakitaan.

KABANATA VI
MAHUSAY NA KUNDISYON SA PAGTATRABAHO AT PAMUMUHAY
NG MGA MANGGAGAWANG BUKID SA MGA KAPITALISTANG SAKAHAN

1.  Ano ang patakaran kaugnay sa  mga manggagawang bukid sa mga sakahang pinatatakbo sa batayang kapitalista?

a. Lubos na susuportahan ang pagbubuo ng unyon ng mga manggagawa at ang paggamit ng mga manggagawang bukid at iba pang manggagawa sa kanilang mga demokratikong karapatan. Lubos na susuportahan din ang paggigiit ng mga unyon na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay at makuha ang iba pang benepisyo. May karapatan ang mga unyon na alamin ang tunay na kwenta ng kumpanya para magkaroon sila ng matibay na batayan sa paggigiit na pahusayin ang kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay, at makuha ang iba pang benepisyo.

b. Hanggat pwede, ang mga manggagawang bukid ay papartihan ng loteng magagamit sa paghahanapbuhay na mapagkukunan ng dagdag na pagkain at kita.

k. Titiyakin ng unyon ng manggagawang agrikultural sa sakahang kapitalista, o ng samahan ng magsasaka sa lugar na kalapit ng sakahang ito, na ipapamahagi’t bubungkalin ang nakatiwangwang o sobrang mga parte ng asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista. Sa kaso naman ng mga rantso, ang sukat ng lupang ititira para sa mga ito ay ibabatay sa aktwal na bilang ng hayop.

2.  Ano ang  ibig sabihin ng mahusay na kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay at ng pagkakaroon ng iba pang benepisyo?

- hindi basta-basta maaalis sa trabaho ang sinuman,
- makatwiran ang minimum na sahod,
- mas mataas ang sahod para sa obertaym at trabahong mas peligroso,
- ibabatay ang pag-aantas-antas ng sahod sa kahusayan at tagal sa serbisyo,
- mahusay ang pasilidad sa pagtatrabaho,
- mahusay ang pasilidad sa pabahay,
- may pribilehiyong magbakasyon,
- may mga plano kaugnay ng pensyon,
- magkakaroon ng mga tindahang kooperatiba na magbebenta ng mga batayang kalakal sa mababang presyo,
- libre ang serbisyong medikal at dental para sa buong pamilya ng manggagawa,
- pag-aaralin nang libre sa elementari at hayskul ang mga anak ng manggagawa,
- may kompensasyon para sa mga namatay o naaksidente,
- libre ang pagpapalibing, at iba pa.

3.  Ano ang patakaran kaugnay sa pagrikrut ng mga manggagawang bukid sa lokalidad?

a. Dahil kinukuha sa hanay ng masang magsasaka ang mga manggagawang bukid, laluna ang nasa kategorya ng di regular at di permanenteng manggagawa sa mga sakahang kapitalista, susuriin at gagawan ng kaukulang aksyon ng samahan ng magsasaka ang anumang kontrata o plano na ginagamit ng panginoong maylupa, administrador, katiwala, o kontratista sa paggawa para magrikrut ng mga manggagawang bukid sa lokalidad.

b. Pangangalagaan ng samahan ng magsasaka ang pampulitika’t pang-ekonomyang mga karapatan ng mga manggagawang bukid. Pwede rin silang magmyembro sa unyon sa pinagtatrabahuhan nila.

k. Ang sinumang magririkrut ng manggagawang bukid ay pagbabawalang lumabag sa mga makatwirang kontrata, mang-usura, kumaltas ng sahod ng mga manggagawa, mandaya sa kwenta, at gumawa ng iba pang porma ng pagsasamantala. Parurusahan ang sinumang lumabag sa pagbabawal na ito.

4. Ano ang patakaran kaugnay sa pagmamay-ari at kontrol ng mga  lupang agrikultural?

a. Depende sa kongkretong kalagayan, pwedeng lubos na kontrolin ng demokratikong gubyernong bayan ang mga asyendang pinatatakbo sa batayang kapitalista, o hayaan ang mga may-ari na patuloy na ariin at pamahalaan ang mga asyenda, alinsunod sa mahihigpit na kundisyon, tulad ng pagpapahusay sa kundisyon sa pagtatrabaho at pamumuhay ng mga manggagawa, at pagbabayad ng buwis, na ang malaking parte ay pera, sa demokratikong gubyernong bayan.

b. Mahigpit na pagbabawalan ang malaking kapitalistang dayuhan na magmay-ari ng kahit kapirasong lupang agrikultural o magkaroon ng kontrol dito sa anumang paraan. Kung gayon, parurusahan sila at ang kanilang mga tuta kapag nilabag nila ang pagbabawal na ito.

k. Parurusahan ang mga may-ari, administrador, katiwala, o kontratista sa paggawa, pati ang kanilang mga tuta, na gumagamit ng mga pribadong gwardyang armado o tropang kaaway o pulis para bantayan ang mga asyenda at supilin ang mga manggagawang bukid at mga mamamayan.

d. Isasabansa ng demokratikong gubyernong bayan ang mga lupaing agrikultural na pinatatakbo sa batayang kapitalista. Ito ang magiging oryentasyon ng mga unyon at ng masang manggagawa.

KABANATA VII
MGA MARALITANG SETLER AT ANG MGA PAMBANSANG MINORYA SA MGA PRONTERA?

1. Ano ang patakaran kaugnay  sa  mga maralitang setler at ang mga pambansang minorya sa mga prontera?

a. Ang mga maralitang setler at mga pambansang minorya ay oorganisahin bilang samahan ng magsasaka para mapangalagaan ang kapakanan nilang lahat, mapaunlad ang kooperasyon, at malabanan ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal. Itataguyod ang pagkakaisa at pagkakaintindihan ng mga setler at mga dati nang nakatira sa prontera.

b. Sa mga lugar na pinagtrosohan, kaingin, pastulan, at reklameysyon erya, sisiguraduhin sa mga maralitang setler at mga pambansang minorya na sila ang magmamay-ari ng homisted o lupang binubungkal nila, at hihikayatin sila na lalo pa itong paunlarin.

k. Ang mga magsasakang walang lupa ay ililipat sa mga prontera para malutas ang kakulangan ng lupa sa ilang lugar. Gayunman, hindi papayagan ang anumang paglabag sa karapatan ng mga pambansang minorya at mga dati nang nakatira sa prontera.

2. Ano ang patakaran kaugnay sa mga lupang prontera?

a. Ang demokratikong gubyernong bayan, kasama ang samahan ng magsasaka, ang may responsibilidad sa mapayapang paglutas ng mga alitan tungkol sa lupa sa mga prontera.

b. Pagbabawalang mang-agaw ng lupa sa mga prontera ang mga malaking kapitalista, panginoong maylupa at burukratang kumprador. Kung gayon, parurusahan sila at ang kanilang mga tuta kapag nilabag nila ang pagbabawal na ito.

k. Magiging kontrolado ang pagputol ng mga puno, at sa pagpapatupad ng patakarang ito ay bibigyan ng sapat na atensyon ang kapakanan ng lahat at hindi pipinsalain ang kapakanan ng mga maralitang setler at mga pambansang minorya.

KABANATA VIII
PANGANGASIWA SA PAGPAPATUPAD SA PROGRAMA SA REPORMA SA LUPA

1. Paano pangangasiwaan ang pagpapatupad sa programa sa reporma sa lupa?

a. Ang demokratikong gubyernong bayan ay magtatatag ng mga komite para sa reporma sa lupa sa bawat antas. Bibigyan ang mga komiteng ito ng awtoridad na magdisisyon sa mga problemang may kinalaman sa reporma sa lupa. Tutulungan sila ng mga yunit ng Bagong Hukbong Bayan.

b. Momobilisahin ng mga samahan ng magsasaka at mga namumunong organo nito ang masang magsasaka. Bukod sa pamumuno sa mga pulong masa, susuriin nila kung saang uri kabilang ang mga pamilya sa kanilang lokalidad, aalamin kung ilan ang pwedeng magtrabaho at kung ilan ang dependyente sa bawat pamilya o bubong, iguguhit ang tamang mapa na nagpapakita ng mga lupaing kukumpiskahin at mga lupaing katabi nito, at tutukuyin ang kalidad at sukat ng mga parsela bago ipamahagi nang libre ang lupa at pagkaraang ipamahagi ito.

k. Ang mga pulong masa ay idadaos tuwing kailangan para mapatibay ang determinasyon ng masang magsasaka na isulong at ipagtagumpay ang pakikibaka para magkaroon ng lupa. Itataguyod ng mga pulong masa ang pangkalahatang linya ng demokratikong rebolusyong bayan at ang umiiral na linya tungkol sa reporma sa lupa sa bawat lugar; bibigyan ng buong laya ang pagbubuhos ng hinaing laban sa pang-aapi ng mga imperyalista, panginoong maylupa at burukratang kapitalista; tutukuyin ang solusyon sa umiiral na mga problema; at pasisiglahin ang diwa ng kooperasyon sa produksyon.

d. Bago gawin ang reporma sa lupa at habang ginagawa ito, tutukuyin kung ang mga panginoong maylupa ay despotiko o di despotiko; naliliwanagan o di nalilinawagan; at malaki, katamtaman ang laki o maliit. Tatratuhin sila ayon sa kanilang katangian, at ang pinakamalalakas na bira ng masang magsasaka ay ikokonsentra sa mga despotikong panginoong maylupa na may katungkulan at nagmamay-ari ng malalawak na lupain.

2. Ano ang patakaran kaugnay sa mga despotikong panginoong maylupa at ang mga tuta nila?

Ang mga despotikong panginoong maylupa at ang mga tuta nila na marahas na lumalaban sa reporma sa lupa ay aarestuhin ng milisya, mga lokal na gerilya, o mga regular na yunit ng Hukbong Bayan para litisin ng hukumang bayan.

3. Ano ang batayang yunit para sa pagpapatupad ng minimum at maksimum na layunin ng reporma sa lupa?
Munisipalidad, malaking asyenda o kaya’y baryo ang lugar na magiging batayang yunit para sa pagpapatupad ng minimum at maksimum na layunin ng reporma sa lupa.

KABANATA IX
MGA BUWIS SA AGRIKULTURA

1. Ano ang  susi para makaasa sa sarili ang demokratikong gubyernong bayan?

Ang tagumpay ng reporma sa lupa ang siyang susi para makaasa sa sarili ang demokratikong gubyernong bayan.

2.  Ano ang patakaran hinggil sa pagsingil ng buwis sa masang magsasaka at manggagawa sa agrikultura?

a. Ang demokratikong gubyernong bayan o mga representante nito ay sisingil ng buwis sa masang magsasaka pagkatapos ng bawat anihan. Ang bubuwisan ay ang bawat pamilya o bawat bubong. Pwedeng produkto o pera ang ibayad na buwis.

b. Ang mga magsasaka na gitnang-panggitna ang katayuan bago magkaroon ng reporma sa lupa, pati ang mga magsasakang naging gitnang-panggitna ang katayuan nang mabigyan ng lupa, ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng limang porsyento ng kanilang netong ani.

k. Ang mga kasamang nakikinabang sa pagkakababa ng upa sa lupa ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng dalawang porsyento ng kanilang netong ani pagkatapos magbayad ng upa sa panginoong maylupa.

d. Ang mga mayamang magsasaka, nakakataas-na-panggitnang magsasaka at iba pang di nagbubungkal na may-ari ng mga sakahang kasinlaki ng sa mga mayaman at panggitnang magsasaka ay kailangang magbayad ng buwis sa agrikultura na katumbas ng sampung porsyento (10%) ng kanilang netong ani.

e. Ang mga samahan ng magsasaka ay magkokontribusyon buwan-buwan sa demokratikong gubyernong bayan ng halagang katumbas ng dalawang porsyento ng kanilang netong kita sa loob ng isang buwan.

g. Ang mga manggagawa sa agrikultura ay magbabayad ng buwanang buwis na katumbas ng lima hanggang sampung porsyento (5%-10%) ng dagdag na sahod na nakuha sa tulong ng demokratikong gubyernong bayan o ng Bagong Hukbong Bayan. Ang buwis na ito ay iba pa sa butaw na ibinabayad nila sa unyon.

3.  Ano ang patakaran sa pagbubuwis sa mga kapitalistang namumuhunan sa agrikultura?
Ang mga kapitalistang namumuhunan sa agrikultura, bilang korporasyon o bilang indibidwal, ay magbabayad taun-taon ng bai-baitang na buwis sa kita (income tax), mula sa minimum na sampung porsyento hanggang limampung porsyento (10%-50%) ng kanilang netong kita, ayon sa sumusunod na talaan:

Netong Kita (P)

Porsyentong Ibubuwis

Mahigit 5,000 hanggang 10,000

10%

Mahigit 10,000 hanggang 20,000

15%

Mahigit 20,000 hanggang 40,000

20%

Mahigit 40,000 hanggang 80,000

25%

Mahigit 80,000 hanggang 160,000

30%

Mahigit 160,000 hanggang 320,000

35%

Mahigit 320,000 hanggang 640,000

40%

Mahigit 640,000 hanggang 1,280,000

45%

Mahigit 1,280,000

50%

4. Ano ang patakaran kaugnay sa pagtaas ng buwis sa agrikultura?

Pwede lamang itaas ang buwis sa agrikultura kung may mga tiyak na dahilan, tulad ng pagpapatindi sa gera at pagsuporta sa mga repyudyi (refugees).  Ang dagdag na buwis ay hindi dapat sumobra sa doble ng karaniwang buwis.

KABANATA X
KATAYUAN NG MGA URI SA KANAYUNAN

1. Sino ang tinuturing na panginoong maylupa?

a. Itinuturing na panginoong maylupa ang mga taong nagmamay-ari ng lupa pero hindi lumalahok sa paggawa, o kaya’y lumalahok lamang sa suplementaryong paggawa. Kinukuha nila sa upa sa lupa ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita.  Sila ay nag-uusura din, umuupa ng mga manggagawang bukid o hindi nagbabayad sa mga ito, nandadaya sa kwenta, nagpapaarkila ng hayop at kagamitang pansaka at ng modernong kasangkapang agrikultural, at gumagawa ng iba’t ibang porma ng pangingikil.

b. Itinuturing din na panginoong maylupa ang mga administrador ng lupa, katiwala, kontratista sa paggawa, at lokal na maton, na mas nakakaluwag ang kabuhayan kaysa gitnang-panggitnang magsasaka. Sa pagsasamantala sa mga magsasaka kinukuha ng mga ito ang malaking parte ng kanilang kinikita.

2. Paano natin mapag-iba ang   mayamang magsasaka sa panginoong maylupa at sa iba pang saray ng magsasaka?

Sa kabuua’y nagmamay-ari ng lupa ang mga mayamang magsasaka, pero marami rin sa kanila ang umuupa ng lupa. Naiiba sila sa panginoong maylupa dahil ang malaking parte ng kanilang kinikita ay kinukuha nila sa sariling paggawa at pagbubungkal sa lupa. Naiiba rin sila sa nakakataas-na-panggitnang magsasaka dahil kinukuha nila sa pagsasamantala ang humigit-kumulang sa tatlumpu hanggang limampung porsyento (30%-50%) ng kanilang kinikita. Nagsasamantala sila sa pamamagitan ng pag-upa ng mga manggagawang bukid at pagpapaarkila ng mga hayop at kagamitang pansaka, at mayroon silang sobrang pondo na ipinapautang nila.

3. Ano ang katangian ng  panggitnang magsasaka? Paano natin mapag-iba ang tatlong antas ng panggitnang magsasaka?

Nagmamay-ari ng lupa ang marami sa mga panggitnang magsasaka, pero ang ilan sa kanila ay umuupa ng lupa. Sa sariling paggawa nila kinukuha ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita, at sa kabuua’y hindi nila ibinebenta sa iba ang kanilang lakas-paggawa.

a. Ang mga nakakataas-na-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsan nagsasamantala. Pero ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa higit labinlima hanggang tatlumpung porsyento (15%-30%) ng kanilang kabuuang kita.

b. Ang mga gitnang-panggitnang magsasaka, sa kabuuan, ay hindi tuwirang pinagsasamantalahan ng panginoong maylupa, at sila mismo ay hindi nagsasamantala. Gayunman, bahagya o paminsan-minsang nagsasamantala ang ilang gitnang-panggitnang magsasaka, at ang kinikita nila sa pagsasamantala ay umaabot sa isa hanggang labinlimang porsyento (1%-15%) ng kanilang kabuuang kita.

k. Ang mga nakakababang-panggitnang magsasaka ay bahagya o paminsan-minsang nagbebenta ng kanilang lakas-paggawa, kayat ang sahod ay sekundaryong parte ng kanilang kabuuang kita. Nasa bingit sila ng pagiging maralitang magsasaka at pinagsasamantalahan sa pamamagitan ng upa sa lupa at interes sa pautang. Pwedeng umabot sa dalawampu’t limang porsyento (25%) ang kinikita nila sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa.

4. Ano ang katangian ng mga maralitang magsasaka?

Sa kabuuan o sa pangunahin ay kasama ng panginoong maylupa ang mga maralitang magsasaka. Wala silang kahit kapirasong lupa, o kung mayroon ma’y napakaliit na parte lamang ng lupang binubungkal nila. Kung minsa’y kulang ang kanilang kagamitang pansaka at wala man lamang hayop na pantrabaho. May mga panahong kailangan nilang magbenta ng kanilang lakas-paggawa. Dito nila kinukuha ang dalawampu’t lima hanggang limampung porsyento (25%-50%) ng kanilang kabuuang kita.

5. Sinu-sino ang mga manggagawa sa kanayunan?

Karaniwa’y walang lupa’t kagamitang pansaka ang mga manggagawa sa kanayunan, at kinukuha nila sa pagbebenta ng kanilang lakas-paggawa ang lahat o ang malaking parte ng kanilang kinikita. Nasa kategoryang ito ang mga manggagawang bukid. Nagtatrabaho sila sa mga sakahang kapitalista o malakapitalista, nagpapaupa sa mga mayamang magsasaka, at paminsan-minsa’y nagpapaupa rin sa mga nakakataas-na-panggitnang magsasaka. Para kumita, maraming manggagawang bukid ang nagtatrabaho sa kung saan-saan at kung kani-kanino, at ang karaniwang nakukuha nilang trabaho ay pagtatanim, paggamas at pag-aani.

6. Ano ang iba pang kunsiderasyon na magpapatibay sa mga binanggit na klasipikasyon? Pagpapatibay sa mga binanggit na klasipikasyon, ang bilang ng mga dependyente sa bawat pamilya at ang aktwal na surplus (sobrang pera o produkto) ng bawat pamilya o bubong ay laging bibigyan ng lubos na konsiderasyon ng demokratikong gubyernong bayan, mga samahan ng magsasaka, at mga komite para sa reporma sa lupa.

KABANATA XI
DAGDAG NA MGA TUNTUNIN AT REGULASYON

1. Ano ang dadaanang proseso para baguhin o dagdagan ang pangkalahatang gabay na ito?

1. Ang Komite Sentral ng Partido ang gagawa ng kaukulang mga disisyon para baguhin o dagdagan ang pangkalahatang gabay na ito, batay sa higit pang imbistigasyong panlipunan at aktwal na karanasan sa gawain sa reporma sa lupa.

2. Ang Komite ng Partido sa mga rehiyon ay pwedeng magbalangkas ng mga tuntunin at regulasyon, gayundin ng mga pangkalahatang paliwanag o paglilinaw na idadagdag sa gabay na ito sa reporma sa lupa. Ang mga ito ay kailangang aprubahan ng Komite Sentral ng Partido.



Share this:
Reddit! Del.icio.us! Mixx! Free and Open Source Software News Google! Live! Facebook! StumbleUpon! TwitThis Joomla Free PHP

SubscribeFind UsFollow Us