Pakikiisa sa Mamamayan ng Egypt Laban sa Rehimeng Militar na Suportado ng US
Propesor Jose Maria Sison
Tagapangulo
International League of Peoples’ Struggle
11 Nobyembre 2011
Ang International League of Peoples’ Struggle (ILPS) na may mahigit 300 kasaping organisasyon mula sa lahat ng rehiyon ng daigdig ay nagpapaabot ng pinakamilitanteng pagbati ng pakikiisa at suporta sa mamamayan ng Egypt sa okasyon ng Internasyunal na Araw ng Pagtatanggol ng kanilang pakikibaka para sa kalayaan, karapatang tao at katarungang panlipunan noong ika-12 ng Nobyembre 2011.
Nakikiisa kami sa mamamayan ng Egypt sa pagkondena at paglaban sa lansakan at sistematikong paglabag sa mga karapatang tao ng rehimeng militar na suportado ng US na umagaw sa tagumpay ng mamamayan ng Egypt sa pagbabagsak sa korap at awtoritaryang rehimen ni Mohammed Hosni Mubarak na naghari sa Egypt sa loob ng 30 taon.
Sinusuportahan namin ang kilusan ng mamamayan para itigil ang pamamaslang ng mga aktibista at nagpoprotesta, ang pagbibilanggo sa mga nangangahas maglantad sa panunupil at pagsasamantala sa mamamayan ng Egypt, ang karahasan laban sa kababaihan ng Egypt, at ang klima ng takot at terror na ipinalalaganap ng naghaharing Kataastaasang Konseho ng Armadong Lakas (Supreme Council of the Armed Forces – SCAF) upang patayin ang nag-aalab na kapasyahan ng mamamayan ng Egypt para sa mga pundamental na pagbabago.
Ang nagpapatuloy na pagsakal ng militar sa sistemang pampulitika ng Egypt ay pinamamatnugutan ng imperyalismong US para supilin ang kilusan ng mamamayan na sumilakbo sa Egypt mula noong Enero. Talagang determinado ang US na panatilihin ang neokolonyal na kontrol nito sa Egypt at pigilan ang pag-aalsa ng mamamayan ng Egypt na bumaling tungo sa isang pakikibakang anti-imperyalista.
Matagal nang pinaghaharian ng US ang Egypt sa ekonomya at militar. Nakapailalim ito sa isang rehimeng papet ng US na gumaganap ng napakahalagang papel sa mga opensibang US-Zionista laban sa mamamayang Arabo at Palestino. Mula noong 1975, nagbuhos ang US ng higit US$50 bilyon sa bayan para suhayan at gamitin ang rehimeng Mubarak bilang despotikong kasangkapan ng interes ng US.
Sa panahong ito na nagsisipag-alsa ang mga mamamayan ng Gitnang Silangan at HilagangAprika para igiit ang pambansang kasarinlan at mga demokratikong karapatan, balisang-balisang tinatangka ng US na magpanatili ng isang bagong bungkos ng mga papet para panatilihin ang kontrol sa malawak na rekursong enerhiya ng Gitnang Silangan at Aprika. Ang Egypt ay isang mahalagang estratehikong neokolonyal na base ng US sa rehiyon.
Nakasalig ang SCAF sa suportang militar ng US na umaabot sa US$1.8 bilyon ngayong taon. Pinamamatnugutan ito ng US na maglunsad ng kampanya ng panunupil laban sa pagtatanggol ng mamamayan ng Egypt. Responsable kapwa ang imperyalismong US at ang matigas ang ulong pasistang rehimeng militar ng Egypt para sa madugong mga krimen laban sa mamamayan.
Kami ay binibigyang-inspirasyon ng kagitingan ng mamamayan ng Egypt sa pagpapatuloy ng pakikibaka para sa mga pundamental na pagbabago sa ekonomya, lipunan at pulitika sa kabila ng napakalaking balakid. Hinihimok namin silang magpunyagi at paigtingin ang kanilang pakikibaka.Sa pamamagitan lamang ng rebolusyonaryong pakikibaka sila magkakaroon ng pagkakataon na pangibabawan ang papatinding pang-aapi at pagsasamantalang dulot ng lumalalang krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista.
Kailangang ikawing ng mamamayan ng Egypt ang kanilang pagtatanggol sa mga pakikibaka ng ibang mga mamamayan sa Gitnang Silangan, Aprika at sa buong daigdig. Sa pamamagitan ng kanilang pinagsama-samang pakikibaka, makabibigwas ng mga makapangyarihang hambalos ang mga mamamayan ng daigdig sa mga kapangyarihang imperyalista at papet na rehimen, at makapaglalayong makamit ang higit pang kalayaan, demokrasya, katarungang panlipunan, kaunlaran at pandaigdigang kapayapaan.
Kami sa ILPS ay nagpupugay sa magiting na mamamayan ng Egypt. Naninindigan kami kasama ninyo sa inyong pakikibaka sa brutalidad ng rehimeng militar na pinamamatnugutan ng US, at para sa inyong pambansa at panlipunang pagpapalaya mula sa salot ng imperyalismo at lokal na mga reaksyunaryong uri. Ang inyong pakikibaka ay aming pakikibaka, at ang inyong rebolusyonaryong pagsulong ay amin ding pagsulong.











