Mga Remedyo sa mga Hadlang o Usapin sa Negosasyong Pangkapayapaan ng GPH-NDFP


[Download DOC Pilipino]

Propesor Jose Maria Sison
Punong Pampulitikang Tagapayo ng NDFP
14 Nobyembre 2011

Maikling paglalahad sa press conference sa Utrecht, The Netherlands

Hayaan ninyong ilahad ko ang mga remedyo na nagamit, o maaaring gamitin para pangibabawan o lutasin ang 10 pangunahing hadlang o usapin sa negosasyong pangkapayapaan ng GPH-NDFP.

Hayaan ninyong mabilis kong tukuyin ang bawat hadlang o usapin, at pagkatapos ay ilahad ang remedyo.

1. Usapin ng salungat na salungat na pusisyon sa gera sibil

*Remedyo: Ginawang possible ng The Hague Joint Declaration (THJD) para sa nagdidigmaang panig, ang GPH at NDFP, na maging mga panig sa negosasyon. Idinedeklara nito na ginagabayan sila ng mga prinsipyo ng mutwal na katanggap-tanggap na pambansang soberanya, demokrasya at katarungang panlipunan, at walang anumang paunang kundisyon para balewalain ang likas na katangian at layunin ng negosasyong pangkapayaan. Pinananatili ng magkabilang-panig ang kanya-kanyang integridad sa pulitika sa pagharap sa mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng negosasyon at pagsang-ayon sa mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika.

2. Usapin ng mga garantiya sa kaligtasan at inmunidad

*Remedyo: Nagkakaloob ang Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees (JASIG) ng mga garantiya para sa magkabilang-panig. Kinakailangang ang mga garantiya sa kaligtasan at inmunidad para sa mga negosyador, konsultant, istap at iba pang tauhan sa negosasyong pangkapayapaan. Kinakailangang ang kaligtasan ng ganoong mga tao, dokumento at ibang mga bagay bago, sa panahon, at matapos ang negosasyong pangkapayapaan. Tinitiyak ng inmunidad na hindi sila magkakaroon ng pananagutang kriminal para sa kanilang sasabihin o gagawin kaugnay ng negosasyong pangkapayapaan.

3. Usapin ng pagdarausan dahil sa naunang masamang karanasan sa usapang tigil-putukan noong 1986

*Remedyo: Itinakda ng JASIG ang dayuhang nyutral na pagdarausan na may pagtulong ng mga dayuhang gubyerno. Sa panahon ng usapang tigil-putukan at kasunduang tigil-putukan noong 1986 at maagang bahagi ng 1987, minanmanan ng paniktik ng kaaway ang mga tauhan at alyado ng NDFP. Pagkatapos, marami sa kanila ang inaresto, tinortyur at pinatay. Hindi nangangailangan ng mobilisasyon ng malalaking pwersang panseguridad ang mga panig na nagnenegosasyon sa dayuhang pagdarausan. Ligtas at matipid para sa magkabilang panig ang mga ito.

4. Usapin ng maaayos na pulong at konsultasyon

*Remedyo: Pinagkasunduan na ang mga alituntunin kaugnay nito. Banggitin natin ang ilan sa alituntuning ito, responsable ang mga tagapangulo para sa kondukta ng kani-kanilang panel at mga konsultant, at sila ang magkasamang namamahala sa pormal na mga pulong. Ang mga tagapangulo ng mga panel, pangkat, o kinatawan ng mga ito ay maaaring magsagawa ng di pormal na mga pulong at konsultasyon para padulasin ang pormal na mga pulong. Ang pangatlong-panig na facilitador ang mamamahala sa pag-aasikaso at pagkakaloob ng mga kinakailangan para sa pulong at maaaring dumalo sa pormal na mga pulong.

5. Usapin ng pagkakaroon ng substantibong adyenda tungo sa isang makatarungan at matagalang kapayapaan

*Remedyo: Hinihingi ng THJD na harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian sa pamamagitan ng negosasyon at pagbubuo ng mga kasunduan sa mga saligang repormang panlipunan, pang-ekonomya at pampulitika, at itinatakda ang substantibong adyenda: Paggalang sa Karapatang Pantao at Internasyunal na Batas Makatao (nagawa na); Mga Repormang Panlipunan at Pang-ekonomya; Mga Repormang Pampulitika at Konstitusyonal; at Pagwawakas sa Labanan at Dispusisyon ng mga Pwersa. May Pinagsamang Kasunduan sa Pagbubuo, Pagkakasunud-sunod at Operasyunalisasyon ng Resiprokal na Komiteng Tagapagpaganap para sa pagbubuo ng probisyunal na mga kasunduan bago ipinalisa ng mga panel sa negosasyon. Matapos pagtibayin ng mga panel ang komprehensibong kasunduan, isusumite ang ito sa kani-kanilang mga prinsipal para sa pagtibayin.

6. Usapin ng ligal at hudisyal na balangkas

*Remedyo: Ginamit ng CARHRIHL bilang pangunahing balangkas ng pagsasanggunian ang mga internasyunal na kumbensyon hinggil sa mga karapatang pantao at internasyunal na batas makatao, at tumatalima ang mga panel sa negosasyon sa kani-kanilang konstitusyon. Ginagamit ng prospektibong CASER ang mga internasyunal na kumbensyon at tumatalima ang mga panel sa negosasyon sa kani-kanilang konstitusyon. Gagabayan ang prospektibong CAPCR ng internasyunal na batas at sisikaping magbalangkas ng bagong konstitusyon sa batayan ng mga konstitusyon ng GPH at NDFP, at lilikha ng mga bagong mekanismong pampulitika. Gagabayan rin ang prospektibong EHDF ng internasyunal na batas at ng bagong konstitusyon na pagkakasunduan ng GPH at NDFP.

7. Usapin ng mga paglabag sa JASIG at CARHRIHL

*Remedyo: Palaging kahingian ng NDFP na dapat ipagkaloob ang katarungan sa mga tauhang nagnenegosasyon na protektado ng JASIG na ibinilanggo, tinortyur at ekstrahudisyal na pinatay. Ang pagtanggi ng GPH na tugunan ang kahingian para sa katarungan at kagyat na pagpapalaya sa mga detenidong protektado ng JASIG ay maaaring maging makatarungang batayan para bumitiw sa negosasyong pangkapayapaan ang NDFP, pero patuloy pa ring kahingian at hinihintay ng NDFP na tumalima ang GPH sa JASIG. Katulad ng buong sambayanan at ng mga organisasyon sa pangkarapatang pantao, pangkapayapaan at relihiyoso, hinihingi ng NDFP ang pagpapalaya sa mahigit 350 detenidong pulitikal na tinortyur at ibinilanggo batay sa gawa-gawang sakdal ng mga karaniwang krimen na labag sa CARHRIHL, laluna sa doktrinang Hernandez kaugnay ng doktrina sa pampulitikang paglabag. Pinalalampas ng rehimeng Aquino ang mga paglabag sa mga karapatang pantao na ginawa sa ilalim ng rehimeng Arroyo at nagsasagawa ng sarili nitong paglabag. May makatarungang batayan ang NDFP na bumitiw sa negosasyong pangkapayapaan dahil hindi tumatalima ang rehimeng Aquino sa JASIG at CARHRIHL.

8. Usapin ng demagohikong mga kahingian sa tigil-putukan para ilihis ang atensyon mula sa mga ugat ng armadong tunggalian

*Remedyo: Nag-alok ang NDFP ng tigil-putukan at alyansa sa batayan ng pangkalahatang deklarasyon ng layuning komun sa diwa ng paghihikayat at pagpapabilis ng negosasyong pangkapayapaan. Ang ganoong alok ay nilayon ng NDFP para kontrahin ang madalas na demagohikong kahingian ng GPGH na naglalabusaw sa pangangailangang harapin ang mga ugat ng armadong tunggalian at nagtatangkang itulak ang NDFP tungo sa isang pusisyon ng pagsuko at pasipikasyon. Pero kung seryosong tatanggapin ng GPH ang alok, magkakaroon kung gayon ng kagyat na tigil-putukan at alyansa sa mga pangkalahatang kundisyon na tiyak na maghihikayat at magpapabilis sa pagpapanday ng tatlong nalalabing komprehensibong kasunduan hinggil sa SER, PCR at EHDF.

9. Usapin ng pagpapanghina ng GPH at pagtatangka na ipawalambisa ang THJD, JASIG at maging ang CARHRIHL

*Remedyo: Dapat lamang itaguyod ng NDFP ang umiiral na mga pinagkaisang kasunduan kasalungat sa mga pagsisikap ng GPH na papanghinain at ipawalambisa ang mga ito. Hindi susulong ang negosasyong pangkapayapaan o maaari pa ngang magwakas, kung hindi aalisin ng GPH ang pangkatin ng mga kleriko-pasista, paladigma at buktot na militar na nasa kontrol ng Tanggapan ng Tagapayong Presidensyal hinggil sa Proseso ng Kapayapaan (OPAPP). Pinakaresponsable ang pangkating iyon sa mga pagtatangkang isantabi ang THJD batay sa maling argumento na ito’y dokumento ng panghabang-panahong dibisyon, na walang mga nakapaloob na obligasyon sa JASIG kundi usapin lamang ng mabuting pagpapasya para sa GPH, at walang-bisa at di epektibo ang CARHRIHL sa kabila ng pagsang-ayon ng mga prinsipal. Bantog na ang kasalukuyang OPAPP sa pag-atake sa umiiral na mga kasunduan sa NDFP o sa MILF. Abalang-abala ito sa panraraket kakutsaba ang ilang pangkating paramilitar gaya ng CPLA at RPA-ABB na huwad na kinikilala bilang mga grupong rebelde.

10. Usapin ng Oplan Bayanihan, kabilang ang interbensyon at panghihimasok ng US sa negosasyong pangkapayapaan

*Remedyo: Inilalantad ng NDFP ang Oplan Bayanihan na dinisensyo ng US bilang plano sa kampanyang militar na nagbabalatkayo bilang kampanya sa kapayapaan at kaunlaran. Nananawagan kami sa lahat ng mamamayang nagmamahal sa kapayapaan na hingin sa GPH, laluna sa rehimeng Aquino, na lumahok sa seryosong negosasyong pangkapayapaan at magtatag ng makatarungan at matagalang kapayapaan sa NDFP batay sa mga kasunduang nakamit na. Ayon sa Oplan Bayanihan, manipis na pantabing lamang ang negosasyong pangkapayapaan sa hubad na mabangis na pwersa ng estado. Dapat gamitin ng GPH ang huwad na negosasyong pangkapayapaan para palakasin lamang ang saywar na pambabaluktot sa kampanyang militar ng panunupil bilang mga operasyong pangkapayapaan at pangkaunlaran. Ipinapayo ng NDFP sa GPH na sumuong sa seryosong negosasyong pangkapayapaan dahil nakahanda ang mga rebolusyonaryong pwersa na biguin ang estratehiya ng panlilinlang at karahasan ng GPH.



Share this:
Reddit! Del.icio.us! Mixx! Free and Open Source Software News Google! Live! Facebook! StumbleUpon! TwitThis Joomla Free PHP

SubscribeFind UsFollow Us