Ang Pilipinas ay Piyong Militar at Hindi Isang Kaalyado ng Imperyalistang US
Kawanihan sa Impormasyon-
Partido Komunista ng Pilipinas
Nobyembre 17, 2011
Binira ngayon ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP) ang alyansang militar sa pagitan ng gubyerno ng United States at ng estado ng Pilipinas na walang iba kundi “isang malaking kasinungalingan”. “Ang realidad ay sa nakaraang 60 taon ng malakolonyal na paghahari, ginamit lamang ng imperyalismong US ang Pilipinas bilang piyon sa interbensyunismong militar nito, mga gera ng agresyon at prodyeksyon ng kapangyarihan sa rehiyongAsya-Pasipiko at lampas dito.”
Inilabas ng PKP ang pahayag na ito isang araw matapos ang pagbisita ni Hillary Clinton, Kalihim ng Estado ng US, sa Pilipinas para gunitain ang ika-60 anibersaryo ng Tratado sa Mutwal na Depensa [Mutual Defense Treaty (MDT)]. Sa isang seremonya sa USS Fitzgerald, nilagdaan ni Clinton at Alberto del Rosario, Kalihim ng Usaping Panlabas ng Pilipinas, ang “Deklarasyon ng Manila” kung saan muling pinagtibay ng gubyerno ng US at Pilipinas ang MDT at ang kanilang diumano’y komitment na “harapin ang mga hamon sa rehiyon at sa daigdig, kabilang ang seguridad sa karagatan at ang mga banta sa seguridad gaya ng pagbabago ng klima, paglaganap ng nukleyar, terorismo at krimeng transnasyunal.”
“Lipos ng retorika hinggil sa ‘pagkakapantay’ at ‘kooperasyon’, ang Deklarasyon ng Manila ay walang iba kundi muling pagtitibay sa matagal nang di pantay na relasyong militar, pampulitika at pang-ekonomya sa pagitan ng Pilipinas at ng US, sa pagitan ng isang malakolonya at ng isang imperyalistang kapangyarihan,” sabi ng PKP.
“Ang katotohanan na ang deklarasyon ay nilagdaan sa isang Amerikanong barkong nabal na nakadaong sa karagatan ng Pilipinas sa lantarang pagmamaliit sa soberanya ng Pilipinas ay simboliko sa MDT bilang dokumento ng umiiral na neokolonyal na relasyon sa pagitan ng papet na gubyerno ng Pilipinas at ng imperyalistang amo nito.”
“Walang anumang mutwal sa Tratado ng Mutwal na Depensa,” sabi ng PKP. “Kailanman, ang MDT ay talagang walang iba para sa sambayanang Pilipino kundi isang kasangkapan para itali ng US ang Pilipinas sa heopulitikal na estratehikong interes ng US.”
“Sa ilang pagkakataon sa nakaraan, ginamit ng US ang MDT para pilitin ang gubyerno ng Pilipinas na lumahok sa mga gera ng agresyon ng US, na sumapaw sa mga diplomatiko at pampulitikang interes ng Pilipinas,” sabi ng PKP. Ipinakita ng PKP na sa ilalim ng MDT, ipinadala ang mga tropang Pilipino para lumahok sa gera ng interbensyon ng US laban sa Korea noong dekada 1950 at laban sa Byetnam noong huling bahagi ng dekada 1960. Ginamit rin ng US ang Pilipinas bilang isang base at lunsaran para sa mga gera ng interbensyon laban sa Iraq, Iran at Afghanistan.
“Hangga’t nakatali ang Pilipinas sa MDT, hindi nito kailanman maigigiit na nyutral at independyente ito,” sabi ng PKP. “Dahil sa MDT, nakatali ang Pilipinas sa patakarang panlabas ng mga imperyalistang US. Ginagawa nitong isang kaaway ng mga kaaway ng US ang gubyerno ng Pilipinas. Maaari lamang itong maging kaibigan ng mga gubyernong mapagkaibigan sa amo nitong US.”
“Sa pagitan ng imperyalistang kapangyarihan at papet na estado, walang anumang maaaring maging mutwal hangga’t hindi sinasabi ng amo,” sabi ng PKP.
Muling iginiit ng PKP ang matagal nang kahingian ng sambayanang Pilipino na kagyat na ipawalambisa ang Tratado sa Mutwal na Depensa. “Sa gitna ng pinaigting na pagsisikap ng US na isiksik ang sarili sa rehiyongAsya-Pasipiko, mahalaga at mahigpit na pangangailangan na mas masiglang isulong ng sambayanang Pilipino na ipawalambisa ang MDT.”
“Ginagamit ng imperyalistang gubyerno ng US ang pangitain ng ekspansyunismong Tsino para mang-upat ng sigalot sa mga isla ng Spratly at gamitin ito bilang dahilan para palakasin ang presensyang nabal nito sa Dagat Timog Tsina,” sabi ng PKP. “Nais ng US na ihayag ang kapangyarihang militar nito at tiyakin ang dominasyon nito sa mga rutang pandagat sa Asya sa layunin na pwersahang buksan at higit pang tagusin ang pamilihang pangkonsumo ng Tsina at ng iba pang mga bayan sa Asya.”











