Mga Kumento Hinggil sa Pag-aresto at Detensyon kay Groria Macapagay-Arroyo


[Download DOC Pilipino]

Partido Komunista ng Pilipinas

1. Inabot ng eksaktong 505 araw ang rehimeng Aquino para isampa ang mga kasong kriminal at isagawa ang pag-aresto at detensyon sa dating pangulo ng Pilipinas na si Gloria Macapagal-Arroyo. Kumpara dito, inabot ng 85 araw ang dating rehimeng Arroyo para isakdal at ikulong si dating Pangulong Joseph Estrada. Habang nasisiyahan sa pagsasampa ng mga kaso, hindi makakaligtaan ng sambayanang Pilipino ang napakalaking pagkaantala ng rehimeng Aquino para pinal na isulong ang pagsasakdal kay Arroyo sa kanyang mga krimen laban sa sambayanan.

2. Pinili ng rehimeng Aquino na isampa ang kaso ng isa sa pinakamagagaan na kaso sa hanay ng napakaraming kamuhi-muhing krimen na ginawa ni Gloria Arroyo sa loob ng kanyang siyam na taong rehimen. Para sa sambayanang Pilipino, ang manipulasyon ng mga resulta ng eleksyong 2007 sa Maguindanao para paboran ang mga senatoryal na kandidato ni Arroyo – habang dapat mismong kamuhian – ay mas magaan kaysa sumusunod na mga krimen:

a.) Ang tahasang pagluluto ng halalang 2004 kung saan inilantad sa publiko sa “Hello Garci” tapes ang kanyang tuwirang papel sa pagtitiyak ng kanyang elektoral na tagumpay laban kay presidensyal na kandidatong Fernando Poe, Jr.

b.) Ang kaso ng multibilyong pisong panunuhol kaugnay ng kasunduan sa National Broadband Network ng gubyerno ng Pilipinas sa ZTE Corporation ng Tsina kung saan si Arroyo, ang kanyang asawang si Mike at ilan sa kanyang mga susing upisyal ay tuwirang kasangkot gaya ng ipinakita ng mga imbestigasyon na isinagawa ng senado ng Pilipinas noong 2007.

c.) Ang 728 milyong pisong Fertilizer Fund Scam kung saan ang mga susing upisyal ng gubyernong Arroyo ay napatunayang naglihis ng pondo para gamitin sa eleksyong 2004; ang maling paggamit ng 325 milyong pisong pondo sa intelihensya ng PCSO; ang paglilihis at maling paggamit ng 550 milyong pisong pondong pangkagalingan ng overseas workers; ang labis na pagpepresyo sa Diosdado Macapagal Boulevard; at ang suhulan sa IMPSA noong 2001, ang ilan sa mga ito.

d.) Ang kampanya ng mga ekstrahudisyal na pagpatay at malaganap na paghahari ng terror at mga paglabag sa karapatang pantao na isinagawa ng AFP sa tuwirang atas ng mga susing upisyal ng Malacanang sa ilalim ng Oplan Bantay Laya ni Arroyo. Sa mga pagdinig na ginanap sa The Hague noong 2007, napatunayan ng Permanent People’s Tribunal na responsable si Gloria Arroyo at rehimeng Bush ng US para sa lansakan at sistematikong paglabag sa karapatang pantao, pandarambong sa ekonomya at paglabag sa soberanya ng sambayanang Pilipino.

3. Marami ang nadismaya sa aresto-ospital ni Gloria Arroyo, hindi dahil insensitibo sila sa kanyang kalagayang medikal, kundi dahil mariin nilang nadarama ang kagustuhan ng sambayanang Pilipino para sa katarungan. Kakaunti ang may simpatya kay Arroyo at ganap na nahapag ang duda sa kalalaan ng kanyang sakit. Naiiskandalo sila sa P50,000 kada araw na five-star na akomodasyon sa kanyang “seldang bilangguang” sa ospital. Hindi nila malilimutan kung paano siya at katulad niya ay nagliwaliw sa kapangyarihan, nagkamal at nag-imbak ng pagkalalaking halaga ng pera, nag-inuman, lumamon at nagpyesta, nag-utos ng pag-uusig sa kanyang mga kaaway at pagpapatahimik sa protesta. Walang maaasahang simpatya si Arroyo mula sa Pilipino na nagdusa sa masasahol na bunga ng mapandambong, brutal at papet na paghahari ng kanyang rehimen.

4. Sa pamamagitan ng pagsasampa ng mga kaso at pagkukulong kay Gloria Arroyo, umani ng ilang papuri ang rehimeng Aquino. Nagpapaganda ng papel si Aquino, at ganap na sinasamantala ang atensyong publiko na likha ng pag-aresto kay Arroyo. Sobrang sabik si Aquino na sakyan ang sentimyentong anti-Arroyo para pagtakpan ang pagkabigo ng kanyang hungkag na pangako sa kampanya na lulutasin ang pagdaralita ng mamamayan sa pamamagitan ng pagpawi o pagpapaliit sa korapsyon. Matapos mabigong harapin ang pinakamahihigpit na problema ng sambayanan, kailangang suhayan ni Aquino si Arroyo bilang pinakamodelo ng korapsyon para ilihis ang atensyon mula sa tampok na mga problemang sosyo-ekonomiko ng kanyang rehimen na nagmumula sa mga patakarang anti-mamamayan, anti-demokratiko at anti-nasyunal.

5. Ang malalalim na hati sa hanay ng mga naghaharing uri ay pinatatampok ng mga maniobra at kontra-maniobrang pampulitika at ligal na humantong sa pagtatangka ng mga Arroyo na lisanin ang bayan at ang huling-minutong pagsasampa ng mga kaso at pag-aresto kay Arroyo. Gayunman, hindi natin dapat kaligtaan na may mahabang kasaysayan ng kolaborasyon sa pagitan ng dalawang pamilyang ito. Sa eleksyong 2010, pumasok sa mga kumbinyenteng kasunduan ang mga Aquino at mga Arroyo sa gabay ng US na nagtiyak sa automated na tagumpay ni Aquino at sa maayos na transisyon ng kapangyarihan.

6. Pinalakas ng pagsasampa ng mga kasong kriminal laban kay Arroyo at ang pagkakaaresto sa kanya ang determinasyon ng sambayanan na isulong ang mga pagsisikap na makamit ang katarungan para sa mga krimeng ginawa ng nakaraang rehimen. May lumalakas na panawagan mula sa iba’t ibang sektor na isakdal si Arroyo para sa lahat ng kanyang nakaraang krimen. Lumakas ang loob ng kamag-anak ng mga biktima ng masaker sa Maguindanao na papanagutin si Arroyo sa pag-aarmas at pagsusuhay sa pribadong hukbo ng mga Ampatuan. Dahil sa sunud-sunod na kaso na maisasampa laban kay Arroyo, mahihirapan siyang makakuha ng mga kaayusan para mapawalang-sala o makatanggap ng kapatawarang ala-Estrada.

7. Hinihingi ng sambayanang Pilipino na igawad ang buong bigat ng katarungan laban kay Gloria Macapagal-Arroyo. Nakalaan silang mahigpit na magmamatyag at patuloy na masiglang isusulong ang pag-uusig at pagpaparusa kay Arroyo at katulad niya para sa mga krimen na isinagawa sa panahon ng kanilang mapandambong at pasistang paghahari. Magbabantay sila laban sa anumang tipo ng akomodasyon kay Arroyo.

8. Hindi makaliligtaan ng sambayanang Pilipino ang pangangailangang ipaglaban ang mga pundamental na pagbabago sa naghaharing sistemang sosyo-ekonomiko at pampulitika. Ganap nilang nababatid na ang pag-uusig at pagpaparusa kay Arroyo, habang wasto at makatarungan, ay hindi makakalutas sa pinakamahihigpit nilang problema. Patuloy silang magtatanggol laban sa mga patakaran ng rehimeng Aquino na pumapabor sa malalaking dayuhang korporasyon at sa kanilang malalaking lokal na kasosyo, at nagresulta sa malubhang disempleyo, mababang sahod, kawalan ng lupa, paimbulog na presyo ng petrolyo, pagkain at iba pang pangunahing bilihin at mga pagbabawas sa gastusing panlipunan.



Share this:
Reddit! Del.icio.us! Mixx! Free and Open Source Software News Google! Live! Facebook! StumbleUpon! TwitThis Joomla Free PHP

SubscribeFind UsFollow Us